Saturday, June 25, 2011

Nakalimutang Pag-ibig sa Tag-ulan

Ni Minkhail 14.03.10

Paano nga ba umibig ang hangin ng tag-ulan?
Banayad o marahas na pagsuyo sa bulaklak ng kalupaan.
Saan nya iniuukit ang pusong hindi mahagip
Hindi naman para laging langit
Minsan ang pag-ibig parang hangin
Humahagupit.

Kung ang lahat ay may dahilan
Kailangan pa bang sabihing ang pag-ibig
Ay hanging hindi nakikita, di mapipigilan
Hindi pwedeng hawakan, ngunit nararamdaman
Pagkat pag ikaw ay lumisan, mapigtas sa pagkakatangan
Tiyak na ang hanging amihan, hindi tatahan.

Paano nga kaya umibig ang ulap sa ulan
Hindi niya kayang hawakan siya ng walang hanggan
Darating ang umaga, kailangan bitiwan
Aasa sa init ng pag-ibig, na ang ulay muling iangat
Mula sa basang pisngi ng lupang uhaw sa kanyang yakap

Kung ang paghihiwalay ay may dahilan
Parang proseso ng buhay, paulit ulit, walang paalam
Ngunit, bakit ang ulap lagi ang naghihintay
At umaasang ulan ay makamtan
Sa kabila ng kanyang paghihintay, iiwanan din naman.

Sa paghihiwalay ng ulap at ulan
Sa pagsamyo ng bulaklak sa banayad na hangin
Alam mo na ba ang kahulugan ng pag-ibig?
Wala sa ulap, ulan o hanging malamig.
Nasa pusong nagbibigay lamang ng walang kapalit.

Sumilip na ang araw
Hinaplos na ng hangin
Ang bulaklak na marikit
Nagparaya na ang ulap
Upang unos ay di mamalagi

Masaya ka ba?
Na hindi natin nakita ang bahagharing dulot ng napigilang unos?
Na hindi natin naramdaman ang ligayang dulot ng hanging amihan?
Na ikaw ang ulang hindi na babalik sa ulap ng kalangitan?
Na akoy talagang hangin lamang, na hindi mo nakikita
Na hindi mo naramdaman o kayay binigyang halaga?

---

Repost

No comments:

Post a Comment