Sunday, July 25, 2010

Softdrinks, Insurance, Spaghetti at Pag-ibig


Ikaw at Pag-ibig, originally uploaded by Cloud_AirHeart.

Softdrinks at Pag-ibig

“’Date’ ba ang tawag dito?” tanong ko sa sarili ko habang naglalakad ako papunta sa ating tagpuan. Alas sais y medya ng hapon, katatapos lang ng review mo para sa board exam at ako naman ay katatapos lang din ng aking trabaho, late na ako sa lakad natin, galing pa kasi akong Antipolo. Pero nang magtagpo ang ating mga mata at nagdaupang palad ang ating mga kamay, isa lang naman ang napansin ko sa napakaraming emosyon na maaring mabasa ko sa iyong mukha, masaya ka at ganun din ako, malamang mas doble nga lamang ang kasiyahang nararamdaman ko. Ilang sandali pa ay binabaybay na natin ang madilim na pasilyong maghahatid sa atin sa ating upuan sa loob ng sinehan. Dala-dala mo ang aking biniling softdrinks at tangan ko naman ang popcorn na ating pagsasaluhan sa loob ng ilang oras na panonood ng sine. Hindi ko hilig dati na manood ng sine, bukod sa mahal ay ipapalabas din naman yan sa cable channels sa hinaharap. Pero dahil paborito mo si Spiderman, sumama ako na walang anumang pagtutol at isa pa makakatabi kita sa madilim at malamig na sinehan. Nagsimula ang palabas, iniabot mo sa akin ang softdrinks, nasa gitna natin ang popcorn. Busy ka sa kakanguya ng popcorn habang titig na titig sa screen, ako nama’y nakukuryente pag nagkakadikit ang ating balikat at pagnakakasalubong ang ating daliri sa bucket ng popcorn. Alam mo ba ang pinili mong popcorn ay medyo maanghang, nasa kalagitnaan pa lamang ng pelikula ay naubos ko na ang softdrinks. Lalabas sana ako para bumili ulet pero ibinigay mo na lang ang natitirang softdrinks mo sa akin. Napatitig ako sa straw ng softdrinks mo at inisip na ang mga labi mo ang lumapat doon… Yun ang unang pagkakataon na nalaman ko na mahal nga kita. Dahil sa halip na itinapon ko ang baso (na may larawan ni Spidey) at straw na pinaglamanan ng softdrinks mo, isinilid ko iyon sa bag at iniuwi sa bahay. Alam mo hanggang ngayon nasa cabinet ko pa rin sya at inaalikabok na.

Insurance at Pag-ibig

“Ok ba ang explanations ko sir?” Pagtatapos ng napakahaba mong litanya sa ibinebenta mo sa aking insurance. Ngingiti ngiti ka pa habang hinihintay akong magtanong. Paano kaya kung sabihin ko sayo na kahit walang eksplanasyon ang mga bagay na ito, bastat ikaw wala nang estse buretse. Unang buka pa lamang ng bibig mo ay napapapayag mo na kagad ako, pirma ko na lamang ang kulang. Balewala ang lamig ng aircon ng restawran pagkat ngiti mo pa lamang ay nasisilaw at napapaso na ako. Alam mo hindi naman ako mahilig sa mga Insurance, hindi ako marunong sa mga ganyang bagay, Wala nga akong plano sa hinaharap. Kuntento na ako kung anuman ang meron ako sa kasalukuyan. Ang mas ikinagagalak ko ay dahil sa pamamagitan ng Insurance na inaalok mo, mas mapapalimit ang ating pagkikita- isang beses sa isang buwan, pagkat kokolektahin mo ang kabayaran ko. Naganap nga iyon, sa bawat pagkikita natin nagpapang abot ang ating mga kamay upang iabot ang tunay na rason ng mga sandaling iyon. Ngunit batid sa iyong kaalaman mas higit pa doon ang aking dahilan, iyon ay upang makita ang ngiti mo, marinig ang boses mo at maramdaman na hindi ako nag-iisa sa mundong ito.

Spaghetti at Pag-ibig

“Ano nga, alin nga, pili na nga…” Pangungulit ko sa iyo. Namiss mo tiyak ang kakulitan ko. Natutuwa ka dati kasi bungisngis ako eh. Nakapila tayo sa Jollibee dyan sa may EDSA-Guadalupe malapit sa apartment na tinutuluyan mo. Katatapos lang ng shift mo at ako naman ay papauwi na sa Batangas. Limang taon ang binilang ng ating pagkakalayo. Nagtrabaho kasi ako sa ibang bansa habang ikaw ay nanatili at nagsusumikap sa trabaho mo dito sa Pilipinas. Malaki na ang pinagbago nating dalawa. Hindi na ako masyadong bungisngis, kumbaga mas seryoso na ako sa buhay. Nagbago na rin ang mga ngiti mo. Naaninag ko sa iyong mga mata, habang nakasakay tayo sa jeepney patungo sa apartment mo, ang lungkot na iyong nadarama. Ilang beses mo bang nasabi sa akin na hindi ka na masaya? Ilang beses mo rin nasabi na “OK lang iyon pagkat masasaya naman ang mga nakapaligid sa akin”? Kasing pula ng spaghetti na ating kinain ang mga pinagdaanan nating pagsubok sa ating buhay. Maaring kasing salimuot ng mga hibla ng spaghetti ang buhay nating dalawa sa mga nakalipas na taon na tayoy magkalayo. Wala ako doon noong kailangang kailangan mo ng kaibigan, wala ka din sa buhay ko noong sobrang lungkot at lumbay ang pinagdadaanan ko. Patas lang, ika nga nila. Sa kaunaunahang pagkakataon simula noong napatibok mo ang puso ko sa ating unang pagkikita hanggang sa sandaling naging matalik tayong magkaibigan patungo sa pagkakataong nawalan tayo ng saysay sa isat isa, maibabalik kaya ng ating unang halik ang mga magagandang ala ala? Mapapawi ba noon ang lahat ng ating mga sakit na nararamadaman? Maari kayang manatili na lamang tayo sa isat isa at huwag nang intindihin ang mundong puro pasakit lamang ang idinudulot? Maari siguro o baka panandalian lang na lunas iyon.

Ikaw at Pag-ibig

“Mahal kita at hindi na magbabago iyon…” Iyan naman palagi ang sinasabi mo pag magkausap tayo, pero bakit ba hindi ko maramdaman. Siguro kasing dami ng beses na sinabi mo iyon ay kasing dami o higit pa na ako lagi ang nagpaparamdam ng ganung damdamin, kahit walang mga salitang kalakip. Nagbago na nga ako. Humina na ang boltahe ng pag-ibig nung sa kauna- unahang pagkakataon, makalipas ang ilang taon, na tayoy magkatabi sa malamig at madilim na kwarto mo- mahina na ang kuryente nararamdaman ko nang magkadikit ang balat mo sa balat ko. Akala ko noon lubusan na muli akong mahuhulog, pero bakit hindi iyon nangyari? Iniisip ko pa rin ang sagot.

Kung dati ang pag-ibig ko sa iyoy hindi na kailangan pa ng ekplanasyon, ngayon hindi ko na madiretsa ang langit kung mahal pa nga kita o hindi na… hindi ko maipaliwanag sa iyo ang tunay kong nararamdaman. Dati kasi tuwid ang dinadaanan ko papunta sa iyo, pero bakit ngayon hindi na ako sigurado kung aling kalye ba ang tutunguhin ko, bali-baliko na ang landas papunta sa buhay mo.
Ngayong handa ka nang mahalin ako, ako naman ang hindi handang mahalin ka, pagkat hindi na ako ang dating nagmamahal sa iyo at hindi na rin ikaw ang dating minahal ko. Pero mahal pa rin kita, maniwala ka, imoprtante ka sa buhay ko. Ikaw naman kasi pinapili na kita dati kung ano ba ako sa buhay mo KAIBIGAN o KA-IBIGAN. Pinili mo akong Kaibigan kaya mula noon naturuan ko ang puso kong makawala sa mga kadenang inilagay mo sa kanya. Hanggang sa nakalaya na ako sa pag-ibig ko sa iyo, at naging kaibigan nga ang turing ko sa iyo.

Naalala ko nung nagpapaalam ako sa iyo na kung pwede na akong magkasyota. Syempre malakas ka sa akin gusto ko aaprubahan mo, umo-o ka naman kasi gusto mo din akong maging masaya. Pero sabi mo nga huwag ko nang sasabihin sa iyo kung saka sakali, masasaktan ka. Ewan ko ba sa iyo.

---

Paano yan malapit na akong umuwi, mahahanap ko na rin siguro yung Taong hindi lamang sa sinehan ko sasamahan kundi sa lahat ng lugar na nais niyang puntahan, mga lugar na magpapasaya sa kanya. Mararamdaman ko muli ang kakaibang pakiramdam pag maglalapat ang aming kamay habang binibigyan ko siya ng softdrinks o habang magkasalong kumakain ng popcorn. Hahawakan ko ng mahigpit ang mga kamay nya, at hindi bibitaw, mga bagay na hindi mo nagawa sa akin… Hindi Insurance ang iaalok ko sa kanya kundi ang aking puso at buong pagkatao, iyon bagang hindi nakasulat sa papel kundi nakatatak sa puso… para malaman niya na totoo at tapat ang aking pag-ibig, hindi basta basta nabibili. At syempre sisiguraduhin ko na hindi kasinggulo ng hibla ng spaghetti ang magiging buhay namin, papatawanin ko siya araw araw at hindi kailanman papaiyakin…

---

Eh ikaw paano ka kaya? Hindi na ako pwede sa puso mo eh. Unfair kay inaanak, kay kumare at pati na rin sa akin. Sana noon pa, kaso ngayon huli na ang lahat eh.

1 comment:

  1. :(

    kakaloka,, naiyak naman ako...
    sana nga makita mo na ung taong deserving sa love mo...

    ReplyDelete