Tuesday, March 2, 2010

Sulat ni Ulap

Naranasan mo na ba na ibigay ang lahat ng makakaya mo, pero kulang pa rin, hindi mo pa rin mapupunan, iiwan ka pa rin?

Naranasan mo na ba na gawin ang lahat lahat, ibigay ang oras at lakas mo, puso at kaluluwa pero pag ikaw naman ang nailangan hindi naman nila ibabalik ang pang unawang kailangan mo?

Akala ko noon pag naging mabait ako, masunurin, mapagmahal, maalalahanin, hindi nila ako masasaktan, ma iimmune ako sakit. Doon ako mali, yun pala ang dahilan upang ako ay maabuso at masaktan. Simulat sapul, naging tapat ako, hindi ako kalianman lumiko ng landas, gusto ko sana makapaglingkod ng tapat, pangakong hindi mang iiwan sa ere. Ibinigay ko ang makakaya ko buong puso at kaluluwa. Hanggat may lakas kakayanin ko. Wala ako noong panahon sa panghihina, wala akong oras para sa pagmumuni muni, kahit sarili ko ay binawalan ko ng maraming kaligayahan, matupad lamang ang aking mga sinumpaang pangako.

Pero iniwan mo ko. Sinira mo ang pangako mo. Hinayaan mo akong mag isa. Ngayon bumabalik lahat ng sakit, hindi ko mapigilang masaktan. Naaalala ko lahat ng sakripisyo ko na pilit ko nang kinakalimutan. Paano ko nga ba kakalimutan ang kalungkutan, luha at sakit na bumalot sa nagdaang mga taon ko na ang kapalit ay para mapagbigyan ka. Pinutol mo ang nag uugnay sa ating dalawa, pinakita ko naman kung gaano ka kaimportante sa akin, pinalitan ko naman iyon diba ng hindi matatawarang dedikasyon at pagmamahal? Pero isang araw lang naman ang hinihingi ko, isang gapiranggot na pag alala mula sa iyo, hindi mo pa naibigay gayung ilang taon ang ginugol ko para mapagbigyan ka. Hinabol kita, hinintay kong tuparin mo pa rin ang pangako mo, paulit ulit, paulit ulit. Ngunit bigo akong marinig mula sa iyong labi kahit simpleng salamat. Ganun mo kadaling kinalimutan lahat, lahat-lahat.

Nakapagdesisyon na ako, iiwan na kita ng tuluyan. Wala man kasiguraduhan ang aking patutunguhan, katulad din iyon nung simula na makilala kita, walang kasiguraduhan, pero mas handa ako ngayon. wala na yung mabait, wala na yung masunurin, wala na yung mapagmahal, wala na yung maaalalahanin. May pagkatanga nga ako pero madali akong matuto.

---

Sulat para sa aking kumpanyang hindi pinahalagahan ang aking importansya, dedikasyon at pagmamahal. Parang ibang tao na mahilig magpaasa, mang iwan, manggamit...

1 comment: