Saturday, February 20, 2010

Wedding Invitation

“Ang hirap mag-ayos ng papeles Inay, ang haba ng pila sa may DFA.” Sambit kong nagbubuntong hininga nang umupo ako sa may hapag kainan.

“Anak, kailangan mo ba talagang umalis, baka nabibigla ka lang, hindi mo naman kailangang umalis ng bansa. Maganda naman ang buhay natin dito at maayos naman ang pinapasukan mo…” Sambit ni inay habang inaayos nya ang hapunan.

“Inay naman, ilang beses ba natin itong pag-uusapan, alam mo naman ang sitwasyon ko diba po? Andito naman si Kaloy para alagaan kayo. Kailangan ko lang talagang lumayo, naiintindihan naman ninyo ako diba?” masuyong sabi ko sa nanay na sa wari ko ay napasimangot sa aking tinuran.

Isang mahabang buntong hininga lamang ang isinagot ng nanay sa akin. Alam na alam niya ang pinagdadaanan ko ngayon. Alam niyang hindi ko kakayaning manatili dito sa Pilipinas dahil habang nandito ako ay unti unting humihina ang pintig ng aking puso. "Tama ang desisyon kong ito" sambit ko sa aking sarili, sa paglayo lamang sa kanya mapapanatag ang aking kalooban.

Mag iisang buwan na nang malaman ko na ikakasal na si Marko, siya higit sa lahat ang tanging nilalaman ng aking puso. Masakit na malaman ang isang bagay lalo na at hindi nanggagaling mismo sa bibig ng iyong sinisinta, lalo na at hindi niya makayang ipaglaban ang totoo nyang nararamdaman. Hindi ko kayang mabuhay na maging pangalawa lamang kayat tinapos ko na lahat ang namamagitan sa amin, kahit na alam ko at alam niya na mahal na mahal ko siya. Pero hindi naman sa lahat nang pagkakataon ay kayang paigtingin ng pagmamahal ang tali na nagbibigkis sa dalawang tao. May mga dahilan, plano at mga hindi inaasahang pangyayari ang nakakaapekto ng anumang namamagitan sa dalawang nilalang… halimbawa na lamang ay ang nangyari sa amin, Bagamat wala naman talaga sa plano itong gagawin ko, kinakailangan upang mahanap ko ang tunay ngang dahilan kung bakit akoy naririto sa mundo.

“Kuya, pinabibigay ni Kuya Marko” Sambit ni kaloy habang inaabot ang isang madekorasyong sobre. “Dumaan siya kanina, sabi ko naman hintayin ka na, pero antagal mo kasi, kaya ayun umalis na rin at may aasikasuhin pa raw sya.”

“Putsa talaga itong si Marko, baklang bakla talaga” naiinis kong sambit sa sarili habang pinagmamasdan ang sobreng napakaraming abubot. Hindi ko man lang hinawakan ang sobre bagkus iniwan ko iyon sa mesa, nakaselyado at walang bakat ng aking pang unawa.

“Hoy anak, itong wedding invitation ni Marko hindi mo lang ba titingnan, bukas na pala ito ah, nakalagay kasi sa sobre ang date ng kasal”

“Inay naman, ilapag mo lang yan sa may tukador, huwag na huwag kayong pupunta dyan bukas.” Naiinis kong sabi sa inay.

“O sya sya kung yan ang nais mo hahayaan kita, pero tandaan mo kung anuman yang hinanakit mo kay Marko, eh sana naman eh, intindihin mo sya dahil unang una magkababata kayo at malapit na kaibigan.” Mahinahon na sabi ni inay habang inilapag ang sobre sa may tukador at tumalikod papuntang kusina.

Tumalilis akong palayo. Lumabas ng bahay at nagtatakbo hanggang sa hinahabol ko na ang aking hininga, habang tumutulo ang pawis ko sa aking mukha, sabay ding umaagos ang masaganang luha mula sa aking mga mata. Gusto kong sumigaw, ngunit wala namang lumalabas ng boses sa aking bibig, gusto kong suntukin ang dibdib ko upang tumugil ang sakit ngunit kahit anumang sakit ang ipataw upang mapalitan ang hapdi ay hindi na magagawa pa pagkat sobra at matindi na ang hapdi niyon, wala nang lunas pa.

Nakita ko na lamang ang aking sarili na tumutungga ng alak sa malapit na bar na kalimitang dinadayo namin ni Marko tuwing may happenings kami. Habang nagpaplano ng buhay sa hinaharap, habang pinag uusapan ang aming mga kabulastugan at habang nilalamon ng kaligayan ang aming puso dahil sa aming pag –ibig sa isat isa. Lahat ng iyon ay hindi na muli mangyayari sapagkat iiwan na niya akong tuluyan. Ibinigay na niya ang puso niya sa iba na hindi naman niya tunay na minamahal… Hindi man lamang niya ako naipaglaban sa pagkakataong ito gayong sa lahat ng pagkakataon ay ako ang nandoon upang siyay tulungan at sandalan sa lahat ng kanyang mga pinagdaanan.

Hindi pa sapat ang ingay sa lugar na iyon upang tuluyang mabingi ang aking tenga at ang mapaklang likidong aking iniinom ay hindi na gumaganang mapagaan ang anumang mabigat sa loob ko. Ito na nga ang pagkakataong wala nang anumang makakatulong sa iyo upang ikaw ay makabangon muli. Habang para akong tanga ritong umiiyak habang umiinom ay naalala ko pa rin ang mga pinagdaanan naming dalawa, lahat ng hirap at ligaya, mula nang kamiy bata pa hanggang sa nag kaisip ay magkasama kami at ni minsan ay hindi ko sya iniwan. Pero masaklap ang ginawa ng tadhana sa akin pagkat sa pagkakataong ako naman ang nangailangan, doon naman nya ako tuluyang nilisan… Ikakasal na nga siya, yun ang masaklap na katotohanan…

Lampas hatinggabi na nang akoy makauwing susuray suray. Nagpahatid sa taxi sa bahay, binagtas namin ang kapihang malimit naming tambayan. mabilis ding nilampasan ng sasakyan ang plazang animoy sementeryo sa katahimikan, kahit sa kalasingan ko ay naaninag ko pa rin ang isang kaluluwang nakaupot nakayukipkip sa duyan, sa gitna ng plaza, na tinutulak ng malamig na hangin ng gabi. Tulad ko, nararamdaman kong mag-isa at malungkot ang kaluluwang iyon.
Inakyat ko ang hagdanan ng bahay na halos pagapang na. Napansin ko pa rin ang sobreng inbitasyon sa kasal ni Mark, nandun pa rin sa tokador, kinuha ko iyon at inilagay sa basurahan. Dumiretso ako sa kama at humiga. Pinilit kong isara ang aking mga mata ngunit hindi hinahayaan ng mga luha ko na ipikit ng tuluyan ang mga iyon… ang mukha pa rin ni marko ang aking nakikita, mahal ko pa rin sya, mahal na mahal…

---

“Anak, Jonas. Gumising ka dyan…” malakas na yugyog ang nagpagising sa akin, humahagulgol si inay habang akoy ginigising.

“Bakit inay anong nangyari sa inyo? Bakit kayo umiiyak” ang sambit ko kahit pupungas pungas pa at masakit ang ulot kalamnan dahil sa aking paglalasing kagabi. Niyakap ako ng inay nang makabangon ako. Mahigpit ang yakap niya, mahigpit na mahigpit.

“Inay ano ba ang nangyari. Kinakabahan naman ako sa inyo…”madrama kasi itong Inay at natatakot ako sa kanyang sasabihing sunod.

“Anak huwag kang mabibigla ha…" hikbi ng nanay ko. "Si Marko, wala na siya, iniwan na nya tayo..." patuloy ng nanay ko na halos maubusan ng lakas sa pagsasalita dahil sa kanyang pagiyak... "ang balita sa amin nagpakamatay siya kagabi…” pagkatapos sabihin iyon ni inay, tumigil ang oras, umikot ang paligid at hindi halos ako huminga. Niyakap ako muli ng inay at doon na ako muling umiyak, humagulgol ng iyak. Hindi ko maintindihan kung bakit iyon nagawa ni Marko.

“Hindi inay, hindi ito totoo, hindi ganun si Marko, matapang siya, hindi nya kayang gawin ito, hindi nya tayo iiwan, inay bawiin mo naman please oh, inay naman…”

“sorry anak tumawag mismo ang mommy nya, hinahanap ka, pero sabi ko tulog ka at ayun nga at sinabi nya sa akin ang pangayayari…”

Katahimikan, walang hanggang katahimikan na biglang mapapalitan ng nakakabinging katotohanan, nakakabulag na kadiliman, nakakamanhid na sakit… hanggang sa tuluyan na yatang tumigil ang pintig ng puso ko, hindi ko na maramdaman, wala na akong naririnig, dugo na ang pumapatak na luha mula sa aking mga mata.

“inay... pwede po bang iwan nyo muna akong magisa…” hagulgol ko sa inay. Muli isang mahigpit na yakap ang ibinigay ni inay bago ako iniwan.

Kung anuman ang sakit na naramdaman ko kagabi, mas matinding hapdi ang nararamdaman ko ngayon na halos ikabulag ng aking mga mata, ikabingi ng aking mga tenga at ikamanhid ng aking balat. At dahil hindi ko malaman ang aking gagawin, ang tanging naalala ko ay ang huling ibinigay sa akin ni Marko, ang imbitasyon sa kanyang kasal, kinuha ko muli iyon sa basurahan, halos pagapang kong tinungo ang kinaroroonan niyon, habol habol ko ang aking hininga…

Maingat na binuksan ang pagkakaselyado niyon at ang pagkainis ko sa sobreng iyon ay naplitan muli ng maingat na pagmamahal, na para bagang iyon ay si Marko mismo.

Nakakabigla na hindi imbitasyon ang nasa loob ng mapalamuting sobre, kundi isang sulat. Alam kong si Marko mismo ang sumulat niyon pagkat gamay na gamay ko ang kanyang sulat pangkamay. Maingat kong binuksan ang pagkakatiklop niyon at habang patuloy paring tumutulo ang aking luha sa aking pisngi. Halos malagutan ako ng hininga habang binabasa ko ang huling sulat ni Marko sa akin…

Mahal Kong Jonas,

Mahal na mahal kita, at alam kong alam mo iyon. Hindi naman kita iniwan eh, hinintay ko lamang ang tamang pagkakataon upang maintindihan nina mama at papa ang pinagdadaanan ko, pero kahit na lumayo ka sa akin, hindi ka naman nawala sa puso ko. Ganun pa rin ang nararamdaman ko sa iyo kahit na ang alam mo ay iniwan na kitang tuluyan, pero nasasaktan akong makitang nawawalan ka na ng pag-asa na akoy babalik muli sa iyo, kahit na alam kong alam mo na hindi pa naman natatapos ang istorya nating dalawa, dahil iyon ay walang wakas. Hindi ko kailanman matatalikuran lahat ng kaligayang naidulot ng pagmamahal mo sa akin pati na ang ating mga pinagdaanan… pero unti unting mo akong nasasaktan dahil sa pag iwas mo sa akin… gusto ko sanang mag-sorry kung hindi mo masyadong naintindihan ang mga sitwasyon dati. Pero alam kong maiintindihan mo rin pagdating ng panahon. Malaya na ako Jonas, pwede ko nang gawin ang mga plano nating dalawa, kahit itakwil pa ako ni Papa, ok lang, basta kasama kita sa buhay, wala nang hihigit pa. Hihintayin kita sa may plaza, ala una ng madaling araw mamaya… Alam kong darating ka Jonas… dahil mahal mo ako… kung hindi ka dumating ibig sabihin niyong naka move on ka na at hindi mo na ako talaga mahal. Sanay palagi mong tandaan na ang pagmamahal mo ay ang aking buhay, kung wala iyon, wla na akong rason para mabuhay pa sa mundong ito. Hihintayin kita...

Mahal na mahal kita hanggang kamatayan,

Marko

---

“Sorry Marko, im very sorry, mahal na mahal din kita…” at tuluyan na ngang napawi ang liwanag ng langit sa aking mundo at napalitan ng nag uumapaw na kadiliman
*Repost

3 comments:

  1. ang haba... nawala antok ko sa binasa. weird.weird.weird.

    ReplyDelete
  2. F*S sakit sa dibdib nitong entry mo... i u can turn back time nga nman...



    be strong...

    ReplyDelete
  3. pacenxa na kulang... "I wish you can turn back time dapat yan"

    ReplyDelete