Tuesday, January 5, 2010

Pop Corn, Tissue, Window Seat


Pop Corn

Movie night. Handa na ang DVD ng City of Angels. Kanina pa luto ang pop corn, binudburan ko iyon ng cheese flavor. Sinimulan kong panoorin ang pelikulang mag isa sa madilim at malamig na kwarto, hawak ang malukong na plato ng pop corn. Umikot na ang DVD, nagsimula ang pelikula, nagsimulang maubos ang nilutong mais.

Tumingin ako sa may kanan kong upuan nagbabakasakali na katabi kitang nanonood ng pelikula, ngunit wala ka, malayo ka sa akin. Hindi na malalambot mong mga daliri ang nakikita kong nakadikit sa mga daliri ko kundi ang naninilaw na namuong cheese flavor powder ng kinakain kong pop corn. Kasing dikit ng cheese powder sa kamay ang pagkakapit natin sa isat isa habang nanonood ng mga pelikula, mga pelikulang hindi ko masyadong naintindihan pagkat mayat maya ay inaalis ko ang tingin sa higanteng screen upang mapagmasdan ang kinang ng iyong magandang mukha sa dilim. Sa bawat paghawak kamay natin gusto kong iparamdam sa iyo kung gaano ko kagustong mahawakan at mahalin ka. Ang mga kamay mo na marikit na nais kong palaging halikan, kalian ko kaya muling mahahahawakan…

Tissue

“Ito ang tissue oh, linisin mo ang amos mo sa mukha” sambit sa akin ng kaibigan ko habang kumakain kami ng hapunan kagabi. Hindi ko naman nakaugalian gumamit ng tissue, kalimitan damit ko na lang na pambahay o mga libagin ang pinampupunas ko sa amos. Sayang pa kasi ang tissue kung aaksayahin ko iyon. Itatago ko na lamang upang magamit ng ibang tao. Naalala ko ang tissue na may tatak ng pangalan ng mamahaling restawran na kulay green na pasikreto kong isinilid sa wallet ko habang kumakain tayo ng dinner sa mamahaling restawran. Hindi ko iyon gagamitin, sabi ko sa sarili ko. Magsisilbi iyong ala ala na sinamahan mo ako sa hindi lamang iisang pagkakataon, kundi sa napakaraming ala ala na hindi ko malilimutan. Na sa bawat pagbuklat ko sa aking pitaka makikita ko iyong puting bagay na iyon hindi upang ipanlinis ng dumi sa mukha kundi upang maalala kung paano mo nahawi ang pangamba at takot sa aking puso. Sana nga lamang may naitabi ka ring “tissue” mula sa mga napuntahan natin, upang magamit at makatulong sa akin na punasan ang luha sa iyong mga mata at sakit sa iyong puso…

Window Seat

“Window seat please…” yan ang palagi kong turan sa tuwing mag tse-check in na ako sa Airport para ang upuang ireserba sa akin ay iyong sa may bintana. Kakaiba kasi ang feeling pag nasa tabi ka ng bintana ng sasakyan, ke eroplano pa yan, bus o jeepney. Kakaiba sa pakiramdam na nakikita mo ang tanawin sa labas habang bumibyahe ka na, Makikita ang mga ulap ng malapitan o kaya ang masaganang puno sa tabi ng daan, pati na ang nagtataasang mga gusali at mga naglalakad na taong maaari hindi mo na muling makita. Napakaganda ng tanawin sa labas, dapat na sa bawat biyahe natin sa buhay na ito ay makabuluhan at walang masasayang na sandali, enjoyin natin kumbaga. Iyan ang nais kong maranasan mo, kaya sa bawat pagsakay natin ng bus ikaw ang gusto kong laging nasa kanan ko, ikaw ang nasa tabi ng bintana upang makita mo kung gaano kaganda ang mundo sa labas ng bintana ng sasakyan. Nais kong iparamdam sa iyo kung gaano kasaya ang maglakbay katabi ang taong nagmamahal, nakakaunawa at handing magpoprotekta sa iyo sa mga nagsusumiksikang tao sa may aisle ng sasakyan. Na sa tuwing pagod ka na sa tanawin sa labas lilingon ka lang sa kaliwa mo at naandoon ako at nakatingin sa iyo. Ikaw na pinakamagandang tanawin na nakita ko sa mundong ito, nanaising kong hindi na mamalagi sa window seat ng sasakyan pagkat abot kamay ko na ang mundong marikit na dati ratiy sa labas ng bintana ko lamang nakikita, ikaw na nasa window seat.

5 comments:

  1. pinaalala mo ang mga magagaganda kong alaala kasama siya.

    ngayon, pag-iyak na lang ang puwede kong gawin.

    wala na siya.

    ReplyDelete
  2. ay window seat ako palagi lalo na pag long haul flights kasi ayokong dinidistobo ako pag naiihi mga katabi ko.

    well, pwede na rin sandwich sa gitna as long as wafu yung nasa kanan at kaliwa ko.

    wahahahahaha

    ReplyDelete
  3. ang sarap talaga ng may kahawak kamay :"> nakakamiss :)

    ReplyDelete
  4. mahirap pag kakilala mo kasabay mo, lalo na pag babae, madalas request nila sila window seat. la ka naman magagawa.

    hays.

    di ko pa napapanuod ng buo city of angels. lagi ko siya tinutulugan.

    ReplyDelete
  5. ako, i always request for window seat and if possible first 10 rows!

    ReplyDelete