Saturday, October 17, 2009

Ang Lalaki sa Bintana

Nakadungaw ako sa bintana. Matagal, sobrang tagal kong nakaabang at nakahalungbaba iniisip na sana man lang sumilip ka doon. Kahit hindi sa direksyon ko ikaw tumingin, basta makita ko lamang ang iyong mukha, masaya na ako. Ilang saglit pa may isang batang sumama sa akin sa pag-aabang. Maamo ang kanyang mukha, nakangiti at nakasuot ng puti. Siguro naawa siya na ako lamang mag-isa ang naghihintay sa iyong pagsilip kaya sinamahan nya ako.

Nginitian ko ang bata at tinanong.

“Nasaan na ang kuya mo?”

Ngumiti ang batang lalaki sa akin. Maamong ngiti na nakakagaan ng loob.

“Hindi na po kami dyan nakatira eh. Lumipat na kami.” Malambing na sagot ng bata.

Napabuntong hininga ako ngunit hindi ko ipinahalata sa batang paslit ang aking lungkot na nararamdaman. Wala rin palang patutunguhan ang aking paghihintay. Kahit naman ilang araw, linggo, buwan o taon ang aking pinaghihintay doon, wala rin naman pala akong makikitang dudungaw. Wala. Tumayo ako at iniwan ang bata sa may bintana.

Papalakad ako papuntang kusina nang may mapansin akong nakamasid sa akin sa kabilang kwarto. Nagtatago siya at pilit na hindi ipinapakita ang kanyang buong sarili sa akin. Ngunit sa amoy at pigura pa lamang, kahit ilang segundo at pahapyaw pa lamang ang aking pagkakakita sa kanya kilala ko na kaagad kung sino ang taong yun. Malamang naalaman na ng lalaking nabisto ko na ang kanyang pagtatago at siyay lumabas na sa kwartong pinagtataguan, ako namay papalakad na lumapit sa kanya habang siyay natigilan sa kanyang pagkakatayo. Ang aking lalaking hinihintay pala ay doon na nakatira sa aking bahay, hindi niya iyon ipinaalam sa akin. Nakangiti ako habang lumalapit sa kanya. Ganoon ko kasaulado ang kanyang mukha at perpektong iyon pa din ang aking nakikita hanggang sa ngayon. Niyakap ko siya ng sobrang higpit na akala mo ay iyon na ang huling yakap na maibibigay ko. Mahigpit na mahigpit.

At nagising ako, umiiyak..

3 comments:

  1. may mga panahon na nalulungkot ako pag gumigising, na sana dun na lang ako sa aking panaginip nabuhay.

    ReplyDelete