Thursday, July 9, 2009

Manok, Kape, Balon, Ikaw

Manok

Roasted Chicken at omelet ang inorder ko nung muli tayong nagkita. Simulat sapul na hindi ako magaling sa decision making kaya hindi rin ako magaling pumili ng mga choices sa pagkain sa menu. Ang gusto ko kasi kung ano ang gusto ng kasama ko yun din ang gusto ko, ganun ako ka flexible. Ayaw mo namang mamili ng pagkain kaya napilitan akong umorder ng kung anuman ang sa tingin ko ay masarap. Pero magkakombinasyon naman sila diba? Si nanay at si baby nasa hapagkainan natin… Marami na akong nakasabay na mag dinner, pero kakaiba ka sa lahat. Sa iyo ko naramdaman ang ibang klaseng paglalambing, paggabay at pag-asikaso. Ang mga kwentuhang ating pinagsaluhan ay higit pa sa sarap ng pagkaing kanilang isinilbi sa atin. Kahit na napakaraming tao sa loob ng CLASS na restawran na pinagkakainan natin, parang tayo lang ang nandoon na nagkukwentuhan at nagtatawanan.


Pinilit ko ring gayahin ang luto doon pero hanggang omelet lang yata ang kaya kong gawin at hanggag paprito prito lang ako ng manok dati. Type na type ko pati balat ng manok… Siguro I try mo minsan na tikman yung ibang luto ko sa manok, kasi mukhang naperpek ko na ang pininyahang manok at adobong manok eh. Mahal ko na talaga ang mga manok dahil sa iyo.

Marami pang beses akong nakatikim ng omelet at roasted chicken sa ibat ibang restaurant pero kakaiba pa rin talaga kapag kasama kitang kumakain, at doon sa unang beses na dinner na iyon natikman ko ang pinakamasarap na omelet at chicken sa mundo.

Kape

Hindi talaga ako mahilig sa kape. Sa katunayan hanggang tubig lang ako kung maari. Pagkatapos ng gimik natin sa cubao dati nagkayayaan tayong magkape sa Starbucks. Syempre todo kwentuhan pa rin tayo over coffee. Siguro nahalata mo na hindi ko masyadong ginagalaw ang Frapuccino ko, masarap talaga sya oo, alam mo bang gustung gusto ko na syang ubusin talaga, pero pinipigilan ko ang sarili kong ubusin sya. Sa halip napagdiskitahan ko na lang yung natirang softdrinks sa concert. Alam mo bang kaya hindi ko inubos yung kape nung gabing iyon ay para maiuwi ko lang yung Tall cup na may pangalan mo para maging isang alaala na minsan nagkape tayong dalawa na magkasabay, sa tingin ko rin mauulit ang ating pagkakape dito at magiging isa ka sa mga taong magbibigay ng “caffeine” sa buhay ko.


Hindi nga ako nagkamali.

Naulit din minsan ang mga pagkakape natin kahit na sobrang malayo tayo sa isat isa. Nagkakayayaan at nakakapagkape pa rin tayo minsan na magkasama. Naging parte ka nga ng sistema ko. Minsan dahil sa pagmamahal ko sa kape masyado akong nagiging hyper active at hindi makatulog minsan sa gabi, sa dami ng nainom na kape at sobrang pag-iisip sa iyo.

Balon

Natatandaan mo ba nung una kang tumuntong sa Antipolo na kasama ako, doon pa ako nakatira sa napakapangit na Boarding house, kasi nga nagsisimula palang akong tumayo sa sarili kong paa ng mga panahong iyon kaya hanggang doon lang ang nakaya kong kunin na bahay. Bukod na sa hindi well ventilated wala pang gripo o tubig, kaya todo igib sa Balon para pampaligo at pila balde naman pang inom at pangluto. Sana nakatulog ka ng maayos nung gabi na yon kahit na walang aircon, pero meron namang Electric Fan. Kinabukasan Ipinag-igib kita ng tubig mula nga sa balon at sa pagmamadali ko, biruin mo ba namang nadapa ako, ma-LUMOT kasi yung daanan kaya ayun napasalampak ako… buti na lang hindi masyadong malaki ang sugat… masakit nga pero pagdating ko sa kwarto hindi ko naman ipinahalata sa iyo baka kasi mag-alala ka pa, tutal naman fast healer ako, kayang kaya ko ang sakit.


At naligo ka na nga gamit ang tubig na inigib ko mula sa balon na nagdulot ng sugat sa tuhod ko. Nakangiti pa rin ako kahit medyo masakit kasi napagsilbihan kita kahit konti.

Ikaw

Nakakatawang aminin pero parang hindi ako nararapat sa atensyon mo. Nung una ipinilit ko talaga ang sarili ko sa iyo para maging magkaibigan tayo pero napakabait mo at pinapasok mo ako sa iyong buhay at naging saksi sa ilang bahagi niyon. Nag-iba ang pananaw ko sa buhay at dahil iyon sa iyo. Napakasaya ng panahon pag kasama kita, parang tumitigil ang oras at malalaman ko na lang na tapos na pala at uwian na. Minsan hinahanap hanap ko ang mga panahong iyon at nais ibalik sa dati ang ikot ng ating magkaibang mundo, pero tanging panahon lang ang makapagsasabi kung kailan iyon mangyayari… Kung mangyari man iyon sana ay handa mong tanggapin muli ang ating pagkakaibigan at isiping ang pagkakalayo natin sa loob ng mahabang panahon ay para lamang kahapon na mabilis na dumaan… Nakakaadik ang presensya mo kaya siguro napamahal ka na sa akin talaga… kahit alam kong mali…

---

Napakatipikal kong magmahal, gusto ko kung masaya ka, masaya na rin ako… kahit na minsan nasasaktan sa kabila ng kasiyahang ating nadarama. Parati nga akong narito eh, para sa iyo at sa iba pang pinakamamahal ko – kapamilya at kaibigan. Pero bakit ba kahit na mahal na mahal natin ang isang tao o isang bagay at alam natin na nakakasakit na sa atin, pilit pa rin nating sinusubaybayan, inaalalayan, niyayakap at pinapasaya…

Marami ang mahilig sa balat ng manok kahit na nakakapagpataas ito ng kolesterol… Marami ang naadik sa kape kahit na nakakapalpitate ito at minsan din nakakasama ang sobrang caffeine sa katawan… Sa pagpupumilit nating pagsilbihan ang ating minamahal, at pag tayoy nadapa sa tabi ng BALON na malalim, tatayo pa rin tayo para iuwi ang isang baldeng tubig para sa ating minamahal… Isa yata yon sa misteryo ng pagmamahal, sa palagay ko… yung tunay at wagas. Aminin man natin o hindi sa kabila ng sakit at hirap, napakasaya naman diba na makita ang ngiti at saya sa kanilang mukha.

Parang IKAW, kahit na alam ko na sa pagpapatuloy nito ay masasaktan lang ako, pero bakit ba hindi na lang ako tumigil at lumayo muli sa iyo at umiwas? Siguro nga maaga pa para magdesisyon pero sana naman makakita ako ng isang karatula na magsasabi na “TOL DEAD END NA”. Pero sa kabila ng kadramahang ito, nandito pa rin palagi ako para sa isang kaibigan na palaging handa na saluhan ka sa pagkain, sabayan ka sa pagkakape at ipag igib ka ng tubig mula sa balong malalim, tulad ng dati.

Nahulog ako sa balon mo dati, wag mo naman hayaang mahulog ako muli ngayon kasi mahirap umakyat at umahon magisa, masakit…

Ikaw na nga yata ang naging manok at kape ng buhay ko na kahit iwasan ko hindi na maalis sa sistema ko kahit alam ko naman sa dulo ay isa lang ang kalalabasan: Sakit sa Puso.

No comments:

Post a Comment