Friday, July 31, 2009

KANDADO

Tok tok tok

Heto na naman ako, kumakatok sa pintuan mo. Pero ayaw mo talagang buksan ang pinto at pilit mong iniiwasan ang mga taong nais maging bahagi ng iyong pamamahay. Hanggang beranda lang kami ng bahay mo pagkat andun sa pinto ang isang napakatibay na kandado na kahit anong susi yata ay walang magkasya at makapagbukas.

Kailan lang ba tayo nagkakilala, pero merong isang bagay na naramdamam ako sa iyo na nagbigay dahilan kung bakit ako ngayon nasa paanan ng pintuan mo at hinihintay ang pagbubukas nito. Matagal tagal na rin akong nag ka camping dito sa garden mo, nasaksihan ko ang pagbukadkad ng bulaklak ng santan pati na ang pagdapo ng mga bubuyog at paru paro sa gumamela, pati yata ang paghabi ng sapot ng BOTOGS sa puno ng akasya ay napagmasdan ko. Buti na lang at may INTERCOM dito sa labas at minsan ay naririnig ko naman ang boses mo na nagpapalakas ng aking loob. Ano nga ba ang meron ka at nandito parin ako ngayon? Hindi ko rin alam eh, sana nga lang magkaalaman na.

Sa pagkakaalam ko hindi ka masamang tao, pero nararamdaman ko naman na hindi rin ganun kabusilak ang puso mo. Nasasabi ko ang mga bagay na ito dahil sa kalagayan ko ngayon dito sa labas. Siguro hindi ko na dapat ito sinasabi pagkat alam kong alam mo na ang tinutumbok ko. Kailan lang ba na paulit ulit mong sinasabi na hindi moko pababayaan, na ililigtas mo rin ako sakaling umulan at kumulog at kumidlat, pero dinaanan na yata ako ng sangkaterbang bagyo, miminsan lamang kong naramdaman ang pagsinta mo talaga. Nilalamig akot natatakot, pero minsan talaga sarili ko lang ang aking nakakapitan. pero bale wala yun masaya akot ligtas ka jan sa loob.

Nakahalungbaba akong naghihintay, madalas na akong napasungaba sa iyong pintuan sa pagtulak o kayay pag ransack niyon pero wala talaga, matindi ang pagkaka kandado mo. Alam mo ba naaalala ko pa ang bulungan natin sa may bintanang nakakandado rin… nalulungkot ka dahil natatakot ka na muling sumugal at buksan ang pinto para sa mga kumakatok dito… Alam mo bang nabwisit ako sa iyo nung mga panahong iyon, pusang gala naman oh, paano ko ba ipapakita sa iyo na ako ang taong hindi ka pababayaan at aalalayan ka sa lahat ng bagay? At ako ang magbibigay sa iyo ng lakas para muling buuin ang anumang nabasag sa loob ng iyong buhay.

Pasensya na ha, nadala lang akong aking damdamin. Buksan mo na kasi ang pinto at itapon ang kandado nito, kasi alam mo malamig dito verranda at unti unti na akong nilalamon ng “fog” baka isang araw pag sumilip ka sa bintanang maliit, wala ka nang makitang mga paru paro at mga bulaklak kasi wala nang nag aalaga niyon, kasi umalis na ako. Nakakapagod ding maghintay kaibigan ko.


No comments:

Post a Comment